Mga Pinoy hindi pinagbabawalan na pumunta sa France

France
Inquirer file photo

Nilinaw ng Philippine Emabassy sa France na wala silang inilalabas na travel advisory na nagbabawal sa mga Pinoy na magpunta sa nasabing bansa.

Sa kanilang inilabas na statement, sinabi ng Embahada na kanilang inabisuhan ang mga Pinoy sa iba’t-ibang lugar sa France na mag-ingat at manatiling nakamonitor sa mga balita.

Kanila ring binibigyang-babala ang mga Pinoy doon na mag-ingat sa pagpunta sa mga matataong lugar bagama’t nananatili pa rin ang state of emergency sa nasabing bansa.

Magugunitang noong umabot sa 129 ang patay at 300 iba pa ang sugatan sa naganap na magkakasunod na pag-atake sa mga matataong lugar sa Paris noong weekend.

Samantala, sinabi na naman ni Philippine Ambassador to Belgium and Luxembourg Victoria Bataclan na walang naireport sa kanyang tanggapan na mga Filipino na posibleng napasama sa crackdown operations ng pamahalaan laban sa mga hinihinalang nasa likod ng Paris terror attack.

Pero nilinaw ni Bataclan na nagpalabas na rin siya ng paalala sa mga Pinoy sa kanyang nasasakupan na mag-ingat dahil sa ginagawang paghihigpit ngayon ng Luxembourg at Belgium sa kanilang seguridad makaraan ang pag-atake sa Paris.

Read more...