Pamamaslang sa mga abogado, gustong paimbestigahan ni CJ Bersamin

Kasunod ng pamamaslang kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe ay nagpahayag si Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin ng kagustuhang magkaroon ng isang hiwalay na pagsisiyasat tungkol sa mga pamamaslang sa mga abogado.

Si Batocabe na isang abogado, at kanyang police aide, ay matatandaang tinambangan noong Sabado sa Daraga, Albay.

Sa isang pahayag, sinabi ni SC Spokesperson Midas Marquez na kaisa ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) ay mariing kinondena ni Bersamin ang mga insidente ng pagpatay sa mga abogado.

Hinimok pa nito ang mga otoridad na pigilan ang patuloy na paglaganap ng mga kahalintulad na karahasan at agad na hulihin ang mga nasa likod ng krimen.

Hihingin din aniya ni Bersamin ang pagsang-ayon ng Korte upang magsagawa ng independent investigation ukol sa mga insidente at dayalogo sa pagitan ng mga miyembro ng IBP at pulisya.

Sa huling datos ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) bago pinatay si Batocabe, 24 na mga abogado na ang pinaslang mula noong September 2016.

Mula sa naturang bilang, 15 dito ang hanggang sa ngayon ay hindi pa tiyak ang salarin sa krimen.

Read more...