Matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang dinaranas ngayon ng mga motorista.
Sa kahabaan ng EDSA southbound lane, halos walang galawan ang traffic situation mula sa EDSA Timog hanggang sa EDSA Santolan.
Sa EDSA northbound lane naman standstill din ang traffic mula pa lamang sa SM Mall of Asia hanggang sa bahagi ng Magallanes station.
Ang kahabaan ng C5, masikip din ang daloy ng traffic mula pa lamang sa tandang sora hanggang sa katipunan, gayundin ang mula sa Boni Serano Avenue hanggang sa Bagong Ilog sa Pasig City.
Marami ring netizens ang nag-post ng kanilang karanasan sa traffic ngayong umaga. Ang ilan nag-post ng larawan ng wala ring galawan na sitwasyon ng traffic sa Coastal Mall.
Nakaranas din ng maagang pagsisikip sa daloy ng trapiko ang mga bumabaybay sa South Luzon Expressway partikular ang mga paluwas ng Metro Manila.
Sa abiso sa twitter account ng Skyway, nakasaad na ang daloy ng traffic sa Skyway ay apektado ng stop and go scheme sa ilang bahagi ng EDSA. “STOP and GO Scheme is being implemented along parts of EDSA, Skyway System and roads around NAIA,” nakasaad sa abiso ng Skyway.
Muli namang pinayuhan ng PNP- HPG ang publiko na iwasan na ang EDSA dahil sa inaasahang pagsisikip ng traffic na epekto ng paghahanda at seguridad na ipatutupad sa APEC summit.
“Pagpasensyahan niyo na po, kailangang gawin natin ito, iwasan niyo na po ang Edsa, Shaw Blvd hanggang MOA,” ang paulit-ulit na panawagan ni PNP-HPG Chief Arnold Gunnacao.