Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga usap-usapang isang high-ranking police official ang ama ng estudyante ng Ateneo Junior High School (AJHS) na sangkot sa bullying.
Sa isang text message sa reporters, sinabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Benigno Durana na ayon mismo sa Personnel Accounting Information System (PAIS) at Record Management Division (RMD) offices ng Directorate for Personnel Records Management (DPRM), walang Joaquin Montes Sr. na bahagi ng hanay ng mga pulis.
Ayon kay Durana, sa impormasyon mula sa Ateneo community, nasa medical profession si Joaquin Sr.
Matatandaang naging viral ang pambubully ng mag-aaral na Taekwondo champion sa kanyang kapwa mga mag-aaral.
Nang sumingaw ang mga ulat na hindi ito ang unang beses na nambully ang estudyante ay maraming netizens ang gumawa ng haka-haka na mataas opisyal ng PNP ang tatay nito.
Nagdesisyon na ang Ateneo sa kaso at ipinag-utos ang dismissal ng estudyante kung saan hindi na siya makakabalik pa sa Pamantasan.