9 Pinoy na mangingibang bansa hinarang sa NAIA

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang siyam na mga Pilipinong lilipad sana pa-Korea upang magtrabaho.

Ito’y matapos mapag-alamang magpapanggap ang mga ito bilang turista ngunit ang kanilang tunay na pakay ay magtrabaho sa Jeju Island, South Korea bilang orange pickers.

Ayon kay BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, umamin ang siyam na batid nilang iligal ang paraan ng kanilang pangingibang bansa.

Inamin din ng mga ito na pinangakuan silang susweldo ng P65,000 kada buwan.

Sa ngayon ay hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang siyam upang imbestigahan at bigyan ng kakailanganing tulong bilang mga biktima ng human trafficking.

Ayon kay NAIA Terminal 3 BI-TCEU chief Glen Comia, mayroong posibilidad na isang sindikato ang nasa likod ng illegal recruitment sa mga Pinoy dahil noong nakaraang lingo lamang ay walong mga manggagawa na papunta namang Cyprus ang hinarang ng BI.

Aniya, magkapareho ang proseso ng recruitment at parehong magpapanggap bilang mga turista ang mga biktima.

Read more...