Estudyante ng Ateneo na bully sa viral video, “dismissed” na

Screengrab from viral video

Naglabas na ng pasya ang Ateneo de Manila University kaugnay sa estudyante ng Ateneo Junior High School na nambully ng  kapwa estudyante sa viral video.

Sa inilabas na statement ni Ateneo President Fr. Jose Ramon Villarin, matapos aniya ang malalimang imbestigasyon at pakikinig sa lahat ng partidong sangkot sa usapin, “dismissal” ang ipinataw na parusa sa mag-aaral na si Joaquin Montes.

Ibig sabihin, hindi na siya papayagan pang makabalik sa Ateneo.

Nakausap ni Villarin ang mga magulang nina Montes, maging ang parents ng na-bully ukol sa naturang desisyon.

Nag-alok umano siya ng suporta upang ma-overcome ang mahirap na sitwasyon. Patuloy din aniyang iniimbestigahan ang insidente.

Muling namang iginiit ni Villarin na mariing tinututulan ng Ateneo ang anumang uri ng bullying.

Bumuo aniya siya ng Task Force na magsasagawa ng komprehensibong pag-aaral kaugnay sa bullying at magrerekomenda kung papaano magkakaroon ng “safer and bully-free environment.”

Read more...