Sa panayam ng Radyo Inquirer, kinumpirma ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na tumaas na sa dalawampu’t limang milyong piso ang nakalap na bounty, na inisyatibo mismo ng mga House member.
“Initially we have gathered around P25 million to put up a bounty and para makapagturo ng mastermind (sa pagpatay kay Batocabe,)” ani Garbin.
Nang pumutok ang ulat ng pananambang kay Batocabe, agad na naglaan ang mga mambabatas ng P3 million na reward money upang maging mabilis ang pag-aresto sa mga suspek.
Kinumpirma rin ni Garbin na maaaring iluwas ang labi ni Batocabe upang magkaroon ng necrological services sa Batasan Pambansa.
Sa katunayan aniya ay nagtungo na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa Daraga upang personal na puntahan ang burol ni Batocabe.
Si Arroyo rin ang nanguna sa special arrangements para sa funeral services ng Kamara para sa yumaong kongresista.
Batay naman sa mensahe ni Kiel Batocabe, anak ni Rep. Batocabe, ang burol ng kanyang ama ay sa Arcilla Hall, sa harap ng Bicol College sa Daraga, Albay.
Ang public viewing ay magsisimula mamayang alas-diyes ng gabi.
Ang service naman sa Maynila ay i-aanunsyo sa mga darating na araw, ayon kay Kiel.