May alok na P3 milyon ang mga kongresista para sa sinumang makapagtuturo sa mga pumatay kay Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe.
Sa pangunguna ni Negros Occidental 3rd District Rep. Albee Benitez, nag-ambagan ang mga kongresista para agad na maibigay ang hustisya para sa nasawing kasamahan.
Sa ngayon, 54 na kongresista na ang nag-ambag para sa pabuya.
Sinabi ni Benitez na wala siyang nakikitang rason para ipapatay si Batocabe maliban na lamang sa mga taong nais pigilan ang mambabatas na ibigay ang serbisyo publiko na nararapat para sa mga Bicolano.
Nakatakda lamang sanang dumalo sa isang gift-giving event para sa senior citizens at persons with disability ang mambabatas nang pagbabarilin ito kasama ang kanyang police escort.
Nakatakdang tumakbo sa pagka-alkalde ang mambabatas sa May 2019 midterm elections.