Mga mambabatas kinondena ang pagpatay kay Rep. Batocabe

Kinondena ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangunguna ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at ng ilang mga senador ang pagpatay kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

Ipinananawagan ng mga mambabatas ang mabilis na hustisya para sa kanilang kasamahan.

Sinabi ni Arroyo na walang anumang makakapag-justify sa ginawang pamamaslang kay Batocabe at sa police escort nito.

Tinawag naman ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na isang ‘man of peace’ at ‘visionary for progress’ si Batocabe dahil sa mga batas nitong binuo na napakikinabangan ng mga mamamayan.

Sa magkahiwalay na pahayag sinabi nina Albay Rep. Edcel Lagman at Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na dapat nang matuldukan ang culture of violence and impunity sa bansa.

Nanawagan din sina Senators Bam Aquino, Grace Poe, JV Ejercito at Sonny Angara nang mabilisang imbestigasyon sa insidente at pagpapanagot sa mga salarin.

Samantala, sa isang mensahe sinabi ni Congress Acting Secretary general Dante Roberto Maling na ibuburol ang mga labi ni Batocabe sa kanilang residence sa Bañag, Daraga, Albay.

Inaasahang pupunta si Arroyo ngayong araw sa burol ng mambabatas.

Read more...