Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe patay sa pamamaril sa Albay

Twitter photo

Dead-on-arrival sa ospital si Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe makaraan siyang pagbabarilin ng ilang kalalakihan sa bayan ng Daraga sa lalawigan ng Albay.

Sa paunang report na nakarating sa Camp Crame, pasado alas-tres ng hapon kanina nang maganap ang pamamaril sa covered court ng Brgy. Burgos sa nasabing bayan.

Napag-alaman na namimigay ng regalo para sa mga senior citizen at mga persons with disability si Batocabe nang maganap ang krimen.

Patay rin sa nasabing pamamaril ang kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz samantalang may mga bystander rin na sugatan.

Makaraan ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga armadong kalalakihan na pawang mga nakasakay sa motorsiklo.

Si Batocabe ay kasalukuyang kandidato sa pagka-alkalde sa bayan ng Daraga, Albay ayon pa sa mga ulat.

Isang team na ang binubo ng Albay Provincial Police Office para tugisin ang mga nasa likod ng pananambang.

Read more...