Dating mayor sa Bohol, pinagbawalan na ng Ombudsman na manungkulan sa gobyerno

Ombudsman1Hinatulang guilty sa kasong serious dishonesty, grave misconduct at falsification of an official document ng Office of the Ombudsman sa Visayas si dating Cortes, Bohol Mayor Apolinaria Balistoy.

Ito ay dahil sa pag-angkin nito sa reimbursements para sa mga ginastos sa apat na seminars na hindi niya dinaluhan noon siya ay nanunungkulan pa na nagkakahalagang P105,000.

Ang utos ng Ombudsman ay patalsikin siya sa serbisyo, ngunit dahil wala naman na talaga siyang posisyong hawak sa gobyerno, pinagbabayad na lamang siya sa antigraft office ng katumbas ng kaniyang isang taong sweldo.

Pinawalang-bisa rin ng antigraft court ang kaniyang mga benepisyo, kasabay ng pagbabawal sa kaniya na manungkulan sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Naglabas na ng direktiba ang Ombudsman sa Department of Interior and Local Government para ma-implementa na ang desisyon.

Lumalabas kasi na nakipagsabwatan lamang umano siya sa isa sa mga organizers na si Daphne Roxas na executive director ng Asian Women’s Network on Gender and Development para makakuha ng certificates.

Kapag kasi naipresenta niya ang certificates, makukuha niya ang reimbursement sa mga gastos tulad ng travel expenses.

Dahil sa pagiging kahina-hinala ng mga transaksyon, naglabas ang Commission on Audit ng notice of disallowance sa P105,000 na ibinigay sa kaniya ng lokal na pamahalaan ng probinsya.

Bagaman iginiit ni Balistoy na sila ng kaniyang anak ay dumalo sa mga nasabing seminars, mas matimbang pa rin ang mga dokumentong nagsilbing ebidensya laban sa kaniya.

Read more...