DOLE nilinaw ang tamang pasweldo sa kasagsagan ng APEC summit

Rosalinda-BaldozPinaalalahanan ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz ang mga employers sa Metro Manila kaugnay sa tamang panuntunan sa pasweldo sa November 18 and 19.

Idineklara kasing special non-working holiday ang nasabing mga petsa dahil sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders’ summit.

Sa inilabas na advisory, nilinaw ni Baldoz na uubra pa rin ang “no work, no pay” scheme sa naturang mga araw, kaya kung hindi pumasok ang empleyado, wala itong matatanggap na bayad para sa mga araw na iyon.

Ito’y maliban na lamang kung mayroong partikular na polisiya at kasunduan ang kumpanya sa mga empleyado nito kaugnay dito.

Kung magtatrabaho naman ang mga empleyado sa mga itinakdang holidays, makatatanggap sila ng karagdagang 30% ng kabuuang bayad sa kaniya sa unang walong oras ng kaniyang trabaho para sa araw na iyon.

Kung sosobra naman sa walong oras ang kanilang trabaho, may dagdag pa silang matatanggap na 30% ng kanilang holiday pay rate.

Kapag naman nataong rest day ng empleyado ang naturang araw at pinapasok siya, bukod sa 30% na karagdagang bayad sa kaniya dahil holiday, ay makakakuha pa dapat siya ng 50% na dagdag sa kaniyang arawang sahod.

Magugunitang idineklara ng Malacañang na special non-working holiday para sa mga nasa pribadong sektor sa National Capital Region ang November 18-19, at mula November 17 hanggang 20 naman para sa mga paaralan upang mabawasan ang trapiko sa Metro Manila.

Read more...