Batas sa pagdadala ng bala, dapat luwagan – Rep. Robredo

leni robredo1Naniniwala si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na dapat bahagyang paluwagin ang batas kaugnay sa pagdadala ng bala sa bansa.

Ito’y sa gitna ng kontrobersyang bitbit ng namamayagpag na laglag o tanim-bala scam sa mga paliparan sa bansa partikular na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kasi kay Robredo, nagiging daan ang striktong batas para mangikil ang mga opisyal sa mga paliparan katulad ng nangyayari sa ilang mga nabiktima ng tanim-bala.

“Kung ire-relax ng kaunti yung batas, madi-disincentive yung extortion,” paliwanag ni Robredo.

Aniya, dahil sa umiiral na batas na humuhuli sa sinumang may dala ng kahit isang bala lamang, ginagawa itong daan ng mga tiwaling opisyal para mangikil.

Nagiging panakot kasi ng mga ito ang pagpapakulong sa mahuhulihan ng bala, at para maiwasan na ang abala, hihingan na lamang nila ng pera ang biktima.

Kaya naman layon ng mambabatas na amyendahan ang umiiral na batas sa kasalukuyan, at i-decriminalize ang pagdadala ng mas mababa pa sa tatlong bala.

Sakaling maipasa ito, nilinaw ni Robredo na ang mga kakasuhan at huhulihin lamang ay iyong may dalang tatlong bala pataas, at kung isa lang naman ang makukuha sa pasahero o sa kung sinuman, kukumpiskahin lamang ito.

Sa ganitong paraan, mababawasan na ang pinanghahawakang panakot ng mga tiwaling opisyal laban sa mga inosenteng pasahero para mangikil ng pera.

Read more...