Sa abisong inilabas ng FDA regulatory body, kinumpirma ng Abbott Laboratories na ang pambatang gamot na Clarithromycin (Klaricid) 250 mg/5 mL suspension na mula pa sa Berkshire, United Kingdom ay imitasyon lamang.
Paliwanag ng FDA at ng pharmaceutical firm, ang kulay ng design ng packaging ng pekeng antibiotics ay magenta habang ang orihinal na kulay nito ay may blue label na disenyo.
Maging ang font style ng naturang pekeng gamot ay ibang-iba at malabo ang pagkaka-print nito kumpara sa orihinal na bersyon.
Makikita rin sa pekeng gamot ang invalid na lot number, expiry date at ang non-existent na registration number.
Lumabas din sa laboratory analysis na ang naturang imitasyon na antibiotic ay walang active ingredient ng clarithromycin na ginagamit upang gamutin ang iba’t ibang klase ng bacterial infections na nakakaapekto sa respiratory system at balat ng tao.
Pinayuhan ng FDA ang publiko partikular na ang mga healthcare professional na maging maingat sa naturang pekeng gamot na maaaring magdulot ng panganib sa consuming public.