Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na tumulong para maresolba ang insidente ng bullying sa Ateneo.
Kasunod ito ng viral video ng isang estudyante na nambu-bully ng kapwa niya mga mag-aaral.
Ayon kay PNP Deputy Spokesperson Supt. Kim Molitas, sa ilalim ng Anti-Bullying Act of 2013, unang aaksyon sa mga insidente ng bullying ang pamunuan ng paaralan.
Kung kakailanganin ang tulong ng law enforcers ay makikipag-ugnayan ang eskwelahan sa PNP.
Nais din ng PNP na magkaroon ng koordinasyon sa mga paaralan sa lalong madaling panahon para hindi na maulit pa ang mga ganitong uri ng insidente.
Kasabay nito hinimok ng PNP ang mga batang biktima ng bullying at kanilang pamilya na dumulog sa school administrators para mabigyan sila ng karampatang tulong.