(updated) Opisyal nang pumasok ang tag-ulan sa bansa ayon sa Pagasa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Pagasa Forecaster Rene Paciente na nakamit na ang lahat ng mga criteria para masabing “on-set” na ng rainy season sa Pilipinas.
Katunayan, ayon kay Paciente, umiiral na ang Habagat o Southwest Monsoon sa Kanlurang bahagi ng Southern Luzon at sa Western part ng Central Luzon.
Sa press conference ng Pagasa, sinabi ni Administrator Vicento Malano hanggang labing anim na bagyo ang inaasahang papasok sa loob ng Philippine Are of Responsibility hanggang sa Disyembre.
Tatagal aniya ng tatlong buwan ang tag-ulan mula ngayong buwan ng Hunyo hanggang sa buwan ng Agosto.
Ang nararanasan namang El Niño sa bansa ay mananatili hanggang sa unang bahagi ng 2016.
Samantala, maaga pa lamang ng nakaranas na ng malakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Sa thunderstorm advisory ng Pagasa, kabilang sa naapektuhan ng thunderstorm at nakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Bataan, Cavite, Batangas, Bulacan, Rizal, Laguna, Zambales, Pampanga at ang ilang bahagi ng Metro Manila.
Nakaranas rin ng pagbaha sa ilang mga lugar particular sa Valenzuela City may mga lansangan na umabot sa hanggang isang talampakan ang tubig baha at hindi na pinadaanan sa mga light vehicles.
Sa westbound lane naman ng Andrew Tramo Road sa Pasay City at sa westbound lane ng MIA Road ay umabot sa gutter deep ang tubig baha.
Sa Meycauayan at Marilao Bulacan nakaranas din ng pagbaha sa ilang lansangan, particular sa mga bahagi ng Marcos Highway./ Dona Dominguez-Cargullo