Biyahe ng bus pauwi sa mga lalawigan fully-booked na; taas-singil sa pasahe mararamdaman na ng mga pasahero

Radyo Inquirer Photo | Chona Yu

Mararamdaman na ng mga pasaherong uuwi sa mga lalawigan ang taas-presyo sa singil sa pasahe ng mga provincial buses.

Simula kasi ngayong buwan ng Disyembre naging epektibo na ang dagdag-singil sa pamasahe ng mga bus na biyaheng lalawigan.

Ang kumpanyang Eagle Star sa Dimasalang, Sta. Cruz Maynila, ang dating P1,436 na pamasahe sa bus pauwi ng Tacloban ay P1,700 na ngayon.

Kung pauwi naman ng Guiuan, Eastern Samar, mula sa dating P1,586 na pamasahe, ngayon ay P1,990 na.

Fully-booked na ang mga biyahe ng Eagle Star hanggang sa December 30 at ang mga pasaherong hindi nakapagpa-reserve ay magiging chance passenger na lamang.

Samantala, sa Florida Bus terminal naman sa Sampaloc Maynila nagtaas na rin ng pamasahe mula noong November 28.

Ang biyaheng Manila hanggang Tuguegarao, mula sa dating P800 ay P895 na ngayon ang pamasahe.

Fully-booked na rin ang biyahe ng Florida Bus hanggang sa December 30.

Bukas inaasahan ang dagsa ng mga sa pasaherong uuwi sa mga lalawigan sa mga terminal ng bus.

Read more...