Negosyante arestado sa Pasay matapos mahulihan ng mga armas, bala at pampasabog

NCRPO Photo

Isang negosyante ang inaresto sa Pasay City matapos mahulihan ng mga hindi lisensyadong baril at bala at mga pampasabog.

Ayon kay National Capital Region Police Office, Police Director GUILLERMO ELEAZAR, ang mga kapitbahay mismo ng suspek na si Romeo Madaje, 55 anyos ang nagsumbong sa mga otoridad na nagtatago ito ng mga armas.

Dahil dito, agad dumulog sa Pasay RTC ang NCRPO para makakuha ng search warrant at isinilbi ito kay Madaje sa kaniyang bahay sa FB Harrison, Barangay 77 sa nasabing lungsod.

Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang isang Glock 19 Pistol 9mm na may dalawang magazine at 36 na mga bala para sa 9mm; isang Colt MK IV series 80 na may isang magazine, anim na piraso ng mga bala para sa caliber 380 live ammunitions at isang gGranada.

Agad dinakip si Madaje at dinala sa Regional Special Operations Unit Office ng NCRPO ang mga nasabat na armas.

Sinabi ni Eleazar na ang operasyon ay bahagi ng Oplan Katok ng NCRPO ngayong papalapit na ang midterm elections.

Nag-iikot aniya ang mga otoridad para puntahan ang mga may-ari ng mga baril na mayroong expired nang lisensya upang ipa-suko ang mga ito at matulungan silang i-renew ang lisensya.

Mahahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10957 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013 at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.

Read more...