Patuloy pa rin ang mga biyahe patungo sa Paris, France ng ilang airline companies sa kabila ng terror attack sa naturang bansa.
Ngunit dahil sa marahas na trahedya, nagdulot ng pangamba sa ilang turista at business travelers ang pangyayari.
Ilang travelers ang agad na nagkansela ng kanilang biyahe patungong Paris habang ang mga nakabili na ng tickets ay pinayagan ng mga airline company na magbago ng plano nang walang bayad.
Matinding tensyon din ang idinulot ng terror attack sa Paris sa ilang paliparan sa buong Europe.
Isang eroplano ng Air France na papuntang Paris ang inilikas sa Schipol Airport sa Amsterdam matapos makatanggap ang mga awtoridad ng isang tweet na may pagbabanta.
Pansamantalang isinara naman ang isang terminal sa Gatwick Airport sa London makaraang ibato ng isang 41 year old na lalaki na galing France ang isang bagay na pinaghihinalaang baril.
Ayon sa Air France, patuloy pa rin ang operasyon ng kanilang mga biyahe papunta at galing ng France ngunit asahan na maantala ang iba rito dahil sa pinaigting na security measures sa mga paliparan kabilang na ang Charles de Gaulle Airport sa Paris.
Bagaman maraming pasahero ang isinailalim sa pinaigting na security screening sa Delta Airlines sa United States, patuloy pa rin ang operasyon nito at maging ang United Airlines sa kanilang mga biyahe patungong Paris.
Ayon naman sa French officials, itataas pa nila ng border controls sa mga kalsada, railway at airport na nananatiling bukas pa sa publiko.