Sinumulan ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na Christmas rush.
Inaasahan kasi na madaragdagan ng 10 porsyento ang bilang ng mga sasakyang daraan sa NLEX at SCTEX habang lumalapit ang bisperas ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa NLEX Corp., noon pang December 14 nang simulan ng mga traffic personnel ng NLEX-SCTEX ang extended working hours.
Ayon pa sa pamunuan, lalo pang darami ang mga sasakyan na dadaan sa kanila pagdating ng ikatlong linggo ng buwan.
Partikular na binabantayan ng kanilang mga traffic personnel ang kundisyon ng trapiko sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Luisita, Tarlac, at Tipo toll plaza. Maging ang SCTEX Mabalacat toll plaza at mga gasolinahan sa expressway ay binabantayan na rin.
Ayon pa sa NLEX Corp., sa peak hours ng December 21 at 22, at 28 at 29, bubuksan ang 28 mga toll booths sa Balintawak. Habang 10 sa Mindanao Avenue, at 28 rin sa Tarlac. 44 na mga toll booths naman ang bubuksan sa Bocaue.
Para naman sa December 25 hanggang 27 at January 1 at 2, magbubukas ng mga karagdagang portable toll booths o portabooths.
Nasa 50 hanggang 60 portabooths ang bubuksan sa Bocaue.
Para naman sa Tarlac, mula sa tatlong entry lanes ay magiging lima ang mga ito na silang mag-iisyu ng pre-encoded transit tickets para sa mga motoristang luluwas ng Maynila.
Dalawang toll lanes na southbound ang bubuksan sa Angeles, isa sa Mexico, at isa sa San Fernando.
Sakaling magkaroon ng aberya sa trapiko, mayroong counter flow lanes na bubuksan sa ilang mga piling lugar.
Samantala, mayroong libreng towing services mula alas-6 ng umaga ng December 22 hangggang alas-11:59 ng gabi ng December 23, at sa kaparehong oras para naman sa January 1 at 2.