Mga biyahero pinaghahanda sa holiday rush

Nagpaalala ang Cebu Pacific at CebGo sa kanilang mga pasahero na magbaon ng dagdag na pasensya ngayong holiday rush.

Sa isang advisory, pinaalalahanan ng pamunuan ng Cebu Pacific ang mga biyahero na dumating sa mga paliparan dalawang oras bago ang nakatakdang flight para sa domestic destination, at tatlong oras naman para sa international flights.

Paliwanag ng airline, ito ay upang magkaroon ng sapat na oras sa pag-check-in, pagsailalim sa security check, immigration check, at pag-proseso ng pre-departure requirements.

Hinimok din ng pamunuan ang mga pasahero na gamitin ang web o online check-in upang mas makatipid sa oras, sa pamamagitan ng kanilang website o app.

Paalala pa ng Cebu Pacific, dapat ay nasa gate na ang mga pasahero 30 minuto bago ang nakatakdang departure ng mga flight, liban sa mga papuntang Dubai na dapat ay nasa gate na 45 minuto bago ang biyahe.

Mayroon ding pitong kilong maximum weight ang mga hand-carry na bag, bukod pa ito sa mas maliit na bag gaya ng handbag, purse, o laptop bag, at bag para sa mga pangangailangan ng kasamang sanggol.

Sakaling kailangan ng tulong ng mga pasahero, maaaring lumapit sa mga nag-iikot na ahente ng Cebu Pacific.

Read more...