Tinawag na propaganda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sinabi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na marami ang nalagas sa kanilang hanay matapos ang dalawang linggong opensiba sa Mindanao.
Sa panayam ng media, sinabi ni AFP 4th Infrantry Division commander Major General Ronnie Villanueva na isa lamang ang nasawi mula sa militar matapos magkaroon ng engkwentro sa boundary ng Bukidnon at Esperanza, Agusan del Sur noong December 13.
Aniya, mas makatotohanan pa kung ang sasabihin ng rebeldeng komunista ay marami ang kanilang casualties.
Tugon ito ng AFP sa naunang pahayag ng CPP na 14 ang nasawi sa hanay ng militar matapos magkasagupa ang dalawang grupo sa Misamis Oriental, Bukidnon, at Agusan del Sur.
Nauna nang nagpahayag ang CPP na magsasagawa ang kanilang armed wing na New People’s Army (NPA) ng mga pag-atake bilang pagtugon sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. Habang ang AFP naman ay nanindigan na hindi sila magpapatupad ng holiday ceasefire gaya ng nakagawian noong mga nagdaang taon.