Hiling ng DOJ na maaresto si Trillanes, idudulong ng Solgen sa CA

Hihilingin ni Solicitor General Jose Calida sa Court of Appeals na i-review ang desisyon ng Makati Regional Trial Court Branch 148 na nagbasura sa mosyon ng Department of Justice (DOJ) na arestuhin ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Sinabi ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng dalawang beses na pagbasura ni Judge Andres Soriano sa nais ng DOJ na maaresto si Trillanes matapos ipawalang-bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya nito.

Ayon kay Guevarra, sa loob ng reglementary period na 60 araw, maghahain ang Solgen ng petition for certiorari sa CA kaugnay ng resolusyon ng naturang korte na ibasura ang motion for the issuance for a warrant arrest at hold departure order laban sa senador.

Posible anyang ihain ni Calida ang petisyon anumang oras bago magtapos ang taon o sa January 2019.

Sa October 22 resolution ng mababang korte, kinatigan ang constitutionality ng Proclamation 572 ng pangulo pero ibinasura ang mosyon ng DOJ na arestuhin si Trillanes sa kasong kudeta.

Noong November 22 naman ay ibinasura ng korte ang apela ng magkabilang partido dahil sa kabiguan na magprisinta ng bagong argumento.

Read more...