LTFRB, nagbukas ng 20,000 slots para sa TNVS application

Nagbukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng 20,000 slots para sa mga aplikasyon ng bagong transport network vehicle service o TNVS.

Ayon sa LTFRB, ang pagkakaroon ng bagong slots ay bunsod ng mababang “turn-out” ng TNVS applications sa nakalipas na online accreditation para sa mga operators na bahagi ng “Masterlist.”

Ang bagong TNVS application slots ay bahagi ng 65,000 capacity na itinakda ng ahensya.

Hindi na sakop sa slots ang Masterlist na dati nang naisumite sa LTFRB.

Paliwanag ng LTFRB, kahit nagbigay sila ng sapat na panahon para sa mga nasa masterlist, naging mababa ang kumuha ng Certificate of Public Convenience.

Ang mga interesadong TNVS operators ay pwedeng maghain ng kanilang aplikasyon online (https://ltfrb.ph.net/tnvs/) mula Dec. 17, 2018 hanggang January 2, 2019.

Paalala lang ng ahensya sa mga nais magpa-accredit, tiyaking kumpleto ang requirements para tuloy tuloy ang pag-proseso ng application.

Read more...