Inirekomenda ng Senado ang lifestyle check at malaliman pang imbestigasyon sa halos 20 katao na sangkot sa P11 billion shabu smuggling.
Sa 46 pahinang report ng Senate blue ribbon committee, nakasaad na kailangan pa ang dagdag na imbestigasyon para tiyak na matukoy ang mga taong nasa likod ng pagpuslit ng shabu.
Pero kapuna-puna sa report ng Senate panel na tila walang binanggit ukol kay dating Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Si Lapeña na ang pinuno ng Bureau of Customs ng pumutok ang shabu shipment na ilegal na nakapasok sa bansa pamamagitan ng magnetic lifters.
Bagkus, inirekomenda ng chairperson ng komite na si Sen. Richard Gordon na imbestigahan pa ng Department of Justice (DOJ), Office of the Ombudsman at ibang kaukulang ahensya ng gobyerno ang 18 katao kabilang ang sinasabing whistleblower na si Jimmy Guban.
Ayon sa committee report, ang naturang mga indibidwal ay posibleng lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices, Revised Penal Code at Code of Conduct and Ethical Standards.
Nais ng panel na masuri ang uri ng pamumuhay ng mga taong nabanggit sa report.
Ang committee report ay pirmado ng 14 na senador at dadalhin sa plenardyo para sa deliberasyon.