Bilang pagkilala sa ibinigay na karangalan sa bansa, plano ng lokal na pamahalaan ng Oas sa Albay na patayuan si Miss Universe 2018 Catriona Gray ng istatwa sa kanilang People’s Park.
Si Gray, na ang ina ay tubong Oas, ay naging ikaapat na Pilipina na nakakuha ng titulong Miss Universe.
Tinutukan ng kanyang mga kababayan ang koronasyon sa Bangkok Thailand kung saan 93 na mga kandidata ang tinalo ni Gray.
Ayon kay Oas Mayor Domingo Escoto Jr., ang ipapatayo nilang life-sized statue ay para malaman ng susunod na mga henerasyon na sa kanilang bayan ay nagkaroon ng Miss Universe.
Kokonsultahin ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga mamamayan at plano nila na isang Bicol artist ang magdisenyo ng istatwa.
Nais din ng Alkalde na bigyan si Gray ng heros’ welcome sa pagbabalik nito sa lalawigan.