Pinakakasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada dahil sa paglustay sa $3 Million na pondo na pag-aari ng Okada Manila Hotel.
Sa resolusyon ni Assistant State Prosecutor Alejandro Daguiso, nakitaan ng probable cause para kasuhan ng tatlong counts ng estafa si Okada.
Binaligtad ng DOJ ang ruling ng Paranaque Prosecutor’s Office na nagbabasura sa mga kasong estafa laban kay Okada.
Ang kaso laban kay Okada ay nag-ugat sa reklamong inihain sa DOJ ng Tiger Resort Leisure & Entertainment Incorporated na may-ari ng Okada Manila Hotel Resort.
Si Okada ay inakusahan ng Tiger Resort ng illegal disbursement ng pondo ng kumpanya na umaabot sa $3.145 Million para sa consultancy fees at salary nito noong sya pa ang CEO ng Okada.
Hindi nakumbinsi ang DOJ sa depensa ng Japanese tycoon at sinabing ito ay mabuting isalang sa isang full-blown trial sa korte.
Kabilang din sa inirekomendang kasuhan ng DOJ ng conspiracy ang kasabwat ni Okada na si Takahiro Usui na dating presidente ng Tiger Resort.