Hindi bababa sa pitong katao ang patay habang labing isa naman ang lubhang sugatan makaraang madiskaril ang isang high-speed na tren na isinasailalim sa test run sa France.
Kasunod ng pagkadiskaril ng tren, tinupok ito ng apoy matapos sumabog, nagkahiwa-hiwalay at nahulog sa kanal ng Marne au Rhin.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Bas-Rhin region na si Viviane Chevallier na walang kaugnayan ang naturang insidente sa madugo at marahas na pag-atake ng mga terorista sa Paris noong Biyernes.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ang naturang TGV high-speed train na may sakay na apatnapu’t siyam na katao ay mabilis ang takbo dahilan para madiskaril ito.
Kaugnay nito, naka-deploy na ang limang helicopter sa lugar ng pinangyarihan upang ilikas at madala ang mga sugatan sa ospital.