Paris, France- Hindi bababa sa 20,000 ang dumarating dito sa araw-araw, ngunit off limits muna ang Eiffel Tower ngayon sa mga turista.
Kung hanggang kailan ito ipapatupad ay hindi pa malinaw.
Ang pagsasara ng Eiffel Tower ay kasabay ng deklarasyon ng pamahalaang lokal ng Paris na tatlong araw na pagluluksa.
Ilang oras bago naganap ang pag-atake, ang Eiffel Tower ay punong-puno ng mga turista hanggang gabi. Iba’t-ibang lahi ang naroon.
Kapansin-pansin ang bilang ng mga Asyano na bumisita sa Eiffel Tower nitong Friday the 13th tulad ng Chinese, South Koreans, Japanese at ilang Filipino.
Kabilang ang Radyo Inquirer sa bumisita sa Eiffel Tower ilang oras bago maganap ang madugong pag-atake.
Ayon sa post attack assessment ng mga otoridad sa France, hindi target ng “coordinated attacks” ang mga kilalang tourist destination tulad ng Eiffel Tower.
Ang pagsasara ng Eiffel Tower ay pre-emptive measure lamang at bahagi ng pinaigting na seguridad sa buong France kasunod ng terror attack.
Nasa 129 ang bilang ng kumpirmadong patay at higit 100 ang mga nasugatan sa Friday the 13th terror attack sa Paris sa anim na magkakahiwalay na lugar.
Walo ang natukoy na attackers, lahat sila ay namatay din matapos pasabugin ang sarili.
Tatlong iba pa ang inaresto kaugnay ng Paris terror attack. Kung ilan pa ang hinihinalang kasama sa pag-atake, tikom ang bibig sa puntong ito ng mga otoridad.
Sa France lamang nakataas ang State of National Emergency ngunit maging sa Belgium ay naka-alerto na rin ang mga otoridad.
Higit 24-oras ng ipinatutupad ang mahigpit na border security papasok at palabas ng France.