Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Palasyo ng Malacañang sa umano’y utos na pagpapalayas sa mga pari sa turnover ceremony ng Balangiga Bells sa Eastern Samar.
Sinasabing isang presidential staff member ang nag-utos sa mga pari at mga obispo na umalis ng town plaza bago pa man dumating si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, wala siyang nakitang anumang hindi pangkaraniwang insidente o maging mga reklamo mula sa Apostolic Nuncio at kay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles.
Giit ni Panelo, nakausap pa niya ang dalawang opisyales ng Simbahang Katolika bago pa man dumating ang presidente.
Wala anya sa ugali ng pangulo na mag-utos ng panghihiya sa isang event.
Ayon pa kay Panelo, kung totoo itong nangyari ay hindi ito awtorisado at isa itong ‘unethical conduct’ na pwedeng parusahan ng pangulo.
Sinabi rin ng kalihim na binanggit pa mismo ni Duterte sa kanyang talumpati ang mga obispo maging ang pakikiisa nito sa Diocese of Borongan sa makaysayang seremonya.
Sa huli, sinabi ni Panelo na hindi hahayaan ng Palasyo na masira ng naturang insidente ang kasiyahan na dala ng pagbabalik ng Balangiga Bells sa bansa.