Inako na ng grupong ISIS ang terror attack na naganap sa Paris France na kumitil sa maraming buhay at ikinasugat ng iba pa.
Sa kanilang pahayag na ibinigay sa kanilang mga suporters online, sinabi ng naturang grupo na walong mga kasapi nila na armado ng mga automatic rifles at belt bombs ang nagsagawa ng pag-atake.
Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye ang ISIS kaugnay sa nasabing pag-atake. Nauna dito ay nilinaw din ni French President Francois Hollande na 128 ang kanilang opisyal na bilang sa mga fatalities at 180 naman ang mga nasa pagamutan.
Pagkatapos pa lamang ng naganap na karahasan ay sinabi na rin ni Hollande na ISIS ang nasa likod ng terror attack.
Bagama’t nakakalat na ang mga tauhan ng pulisya at militar sa mga pangunahing lugar sa Paris, sinabi ng ilang mga residente doon na takot pa rin silang lumabas dahil sa naganap na mga pagpatay.
Pinayuhan naman ni Hollande ang publiko na manatiling naka-alerto habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.