‘TASK FORCE CHRISTMAS/NEW YEAR TRAFFIC,’ KAILANGAN! sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

“Carmageddon,” “Carpocalyse”- ito ang walang galawang trapiko sa mga lansangan na siyang nangyayari sa bawat gabi natin habang papalapit na ang Pasko.

Ayon sa Japan International coordinating Agency (JICA), nawawalan ang ekonomya ng P3.5 bilyon bawat araw sa matinding trapiko dito sa Metro Manila. Isipin niyo, araw-araw ay tinatamaan tayo ng pinsala ng kaparehong disaster tulad ng bagyo at lindol.

Sa ngayon ang Mega Manila (Metro Manila kasama ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna) ay 24 milyon na ang populasyon na magiging 38-M sa 2025.  Sobrang dami ng tao at mga sasakyan.

Ilang oras ba tayo sa traffic ngayong panahon ng “Christmas party,” dagsaan sa shopping malls, “last minute na pamimili” at “good time” sa gabi?  Nariyan pa ang MRT7 sa Commonwealth, ang walang katapusang digging sa mga “local roads”, maging ang kabagalan ng mga pagresponde lallo na ng mga local government sa mga aksidente sa kalye.

Maging mga “sidestreets” ay traffic na rin dahil sa Mabuhay lanes at kumpas ng WAZE, na bibilya ng maraming private drivers.

Sa ngayon, ang MMDA traffic enforcers ay hanggang 7PM ang duty sa mga national roads, bagamat 24/7 ang kanilang hotlines para sa mga aksidente o banggaan. Pero, ang mga “local governments” ay hanggang 5pm lamang at hindi sila nakikialam sa mga national roads. Kaya naman kapag nagkabuhul-buhol sa gabi, hindi ka na makakita ng kahit isang MMDA o local traffic enforcer.  At kapag matindi ang aberya, “standstill” na traffic.

Naisip ko lang, nagkaroon na ba tayo ng malawakang aksyon kontra trapiko na magkasama ang MMDA at mga local traffic enforcers?  Sa tingin ko, wala pa. Kanya-kanya at wala silang pakialaman sa kanilang trabaho. MMDA sa “national roads” at local government sa “local roads”. At pagdumilim na, wala pareho.

Totoo na sobra na ang dami ng sasakyan sa mga kalye na ngayo’y 2.7M sa Metro Manila. 13.6 % nito o 367,728 na sasakyan ang araw-araw na dumadaan sa EDSA. At kung isasama pa ang mga sasakyan sa Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna, buhul buhol lalo.. Mabuti na lang umaandar ang “Build, Build, Build” ng gobyerno para guamwa ng mga bagong highways para maiwas sa EDSA ang mga dumadaan sa NLEX at SLEX. Pero habang wala pang permanenteng solusyon, kailangan ng mga seryosong aksyon ngayon.

Ang dapat kasi, meron tayong ‘TASK FORCE CHRISTMAS/NEW YEAR TRAFFIC” bawat taon dito sa Metro Manila/MegaManila sa pangunguna ng MMDA kasama ng mga 17 mayors sa Metro manila, LTO, LTFRB katulong ang PNP at AFP.  Binanggit ko kanina ang P3.5 bilyong lugi natin araw-araw dahil sa traffic, mas masahol ito sa mga bagyo, lindol at iba pang disgrasya.

Isang task force na maglalagay ng mga “traffic enforcers” sa national roads o local roads hanggang 12MN upang ayusin ang daloy ng trapiko sa lahat ng lugar.  Isang “mobile task force” na magdedeploy ng mga “traffic enforcers” sa mga “chokepoints” upang  disiplinahin ang mga nag-mamadaling drivers kahit pa hatinggabi. Task force na magbibigay responsibilidad sa mga local mayors na pangalagaan ang “traffic” sa kanilang lugar sa lahat ng oras.

P3.5 bilyon bawat araw ang pinsala sa ekonomya, hindi ba’t angkop lamang magtayo ng TASK FORCE para bawasan ito? Kailan pa kayo kikilos?

Read more...