Andanar, itinangging pinaalis ng isang staff ni Duterte ang mga pari sa Balangiga Plaza

Itinanggi ni Communications Secretary Martin Andanar na pinaalis ng isang staff ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pari at ilang Catholic officials sa kasagsagan ng turnover ceremony ng Balangiga bells sa Eastern Samar.

Sa isang panayam, sinabi ni Andanar na wala siyang nakitang staff na nagpaalis sa mga pari bago dumating ang pangulo sa Balangiga Plaza.

Aniya, wala siyang nakitang itinaboy dahil nasaksihan nito ang pagkumusta ni Duterte sa kaniyang mga gabinete, mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), maging ang mga pari, kay Archbishop Romulo Valles, Papal Nuncio at ang Archbishop of the Military Ordinariate ng United States.

Dagdag pa nito, binati pa ng publiko ang pagkumusta ng Punong Ehekutibo kay Valles.

Batay kasi sa Facebook page ng Diocese of Borongan, binanggit na ang mga pari, kabilang ang Borongan bishop, Archbishop of the Military
Ordinariate ng U.S. at ang Apostolic Nuncio, ay sinabihan umano na lumabas ng Balangiga Plaza.

Ayon kay Andanar, hindi niya alam kung bakit kumakalat ang naturang kwento gayung binati pa ng pangulo ang mga pari sa kaniyang talumpati.

Read more...