Paris, France- Kinaumagahan kasunod ng terror attack, halos walang mga tao sa mga lansangan ng Paris.
Kasunod ng terror attack na ikinamatay ng 153 katao at ikinasugat ng 100 iba pa, magpatupad ang mga otoridad sa Paris ng pinakamataas na antas ng seguridad.
Deklarado din ang National State of Emergency sa buong France.
Sa Garibaldi Street sa Southern Paris, alas nuwebe ng umaga ay halos walang katao-tao, maging ang mga sasakyan ay wala ring nagbibiyahe.
Bumibiyahe ang Metro Train System ngunit kapansin-pansin na kakaunti ang mga pasaherong nakasakay kumpara sa mga nakalipas na araw.
Ang Radyo Inquirer ay narito sa Paris nang maganap ang pag-atake.
Alas onse ng gabi nang maganap ang pag-atake at kagabi pa lamang ay ramdam na ang pagtaas ng security alert maging sa mga lugar na malayo sa pinangyarihan ng atake.
Ang pinaka-sentro ng terror attack ay ang Bataclan Concert Hall na puntahan ng mga locals lalo na ng mga kabataan.
Anim na magkakahiwalay ngunit “coordinated” attacks ang nangyari ngunit ito ay sa distritong hindi karaniwang pinupuntahan ng mga turista.
Walo sa mga umatake ay napatay ngunit hindi tiyak ang mga otoridad kung lahat ng mga terorista ay “all accounted for” dahil walang tiyak na impormasyon kung ilan talaga ang mga umatake.
Ang malinaw lamang batay sa mga eyewitnesses ay pawang nasa kanilang kabataan, dalawampung taong gulang pataas ang mga nagsagawa ng atake.
Sumigaw ang mga terorista ng “Allahu’Akhbar” na nangangahulugan ng “God is the greatest!”
Maliban dito, nagsasalita din ng French ang mga umatake.
Pito sa walong umatake ay pinasabog ang kanilang sarili, isang kaso ng suicide attack ayon sa mga otoridad.
Wala nang iba pang impormasyong inilalabas ang mga otoridad dito sa iba pang pagkakakakilanlan ng mga umatake.