Nasa Red Alert status na ang buong pwersa ng Philippine National Police sa buong bansa kasunod ng naganap na terror attack sa Paris France na ikinamatay ng mahigit sa 150 katao.
Kasalukuyang nagpupulong sa APEC multi-agency coordinating center sa One Esplanade sa Pasay City ang mga matataas na opisyal ng PNP para sa inilatag na security plan kasama na rin ang paghahanda sa nalalapit na leaders’ summit sa susunod na linggo.
Sinabi ni PNP spokesman Wilben Mayor na kasama sa pulong ang lahat ng mga Station Commanders sa Metro Manila at mga pinuno ng supports units ng Pambansang Pulisya.
Aabot sa 32,000 na mga tauhan ng PNP ang nakatakdang i-deploy sa buong Metro Manila maliban pa sa mga tauhan ng Armed Force of the Philippines (AFP) at Presidential Security Group (PSG).
Sa mga lalawigan naman, sinabi ni Mayor na inatasan ng PNP Chief ang lahat ng mga Regional Directors na tiyakin ang sapat na bilang ng mga pulis sa mga matataong lugar.
Bukod sa dagdag na pagpapatrolya ng mga pulis, sinabi ng tagapagsalita ng PNP na asahan na rin ang mga checkpoints sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila.