Arestado sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na sangkot umano sa pagbebenta malalaswang video at mga larawan ng mga bata.
Ayon sa NBI, ang mga larawan at video ay ibinebenta ng suspek sa online sa mga banyaga.
Kinilala ang suspek na si alyas Nestor na inaresto ng undercover agents ng NBI sa Market-Market sa Taguig City matapoas magbenta ng mga video ng mga batang edad 8 at 11.
Ayon kay Atty. Janet Francisco – Hepe ng Anti-Human Trafficking Division ng NBI, natuklasan nilang tiyuhin pa pala ng mga biktima ang suspek.
Bahagi umano si Nestor ng isang sindikatong nag-o-operate sa Taguig at ito rin ang suspek na nagbenta ng child pornographic materials sa isang Dutch National na kamakailan ay nadakip ng mga otoridad.
Sa isinagawang operasyon ay nasagip naman ang dalawang bata at ngayon ay nasa kostodiya na ng DSWD.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA. 9775 o Child Pornography Law.