Martial law hindi kailangan para tugunan ang karahasan sa Mindanao – CHR

Naniniwala ang Commission on Human Rights (CHR) na kayang solusyonan ang kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao kahit walang Martial Law.

Pahayag ito ng ahensya matapos aprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang pagpapatupad ng batas militar sa rehiyon.

Ayon sa CHR, kaya ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na resolbahin ang kawalan ng pag-iral ng batas sa Mindanao kahit wala ang Martial Law.

Dagdag pa ng ahensya, ang martial law ay isang ‘extraordinary measure’ sa Konstitusyon na dapat lamang ipatupad sa malalalang sitwasyon ng pananakop at rebelyon.

Samantala, iginiit pa ng CHR na kailangan ding tugunan ang mga ulat ng human rights violations ng mga alagad ng batas sa Mindanao.

Ang Martial Law ay ipinatupad sa Mindanao matapos ang panggugulo ng Maute Terror Group sa Marawi City at pinalawig muli hanggang sa katapusan ng 2019.

Read more...