Inilabas na ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok higit dalawang linggo bago ipagdiwang ang Bagong Taon.
Ayon kay FEO Director Chief Supt. Valeriano De Leon, inilabas nang maaga ang listahan para sa kaalaman ng publiko at upang malaman din kung patuloy na ibinebenta ang mga bawal na paputok.
Sinabi ni De Leon na bawal ang mga paputok na may higit 0.2 grams na pampasabog.
Bawal din ang mga oversized na paputok na may short fuse o yaong mga sumasabog agad ng wala pang tatlong segundo.
Narito ang mga ipinagbabawal na paputok:
- atomic bomb
- atomic triangle
- Bin Laden
- Bosa
- coke in can
- five star
- giant whistle bomb
- Goodbye Philippines
- kabasi
- large Judas belt
- large bawang
- lolo thunder
- mother rocket
- Piccolo
- pillbox
- pla-pla
- super lolo
- Watusi
Mayroon namang mga paputok na pwedeng gamitin sa loob ng barangay firecracker zones:
- Baby rocket
- bawang,
- el diablo
- judas belt (sinturon ni Judas)
- kwitis
- paper cups
- pulling of strings
- small trianggulo
Ang mga sumusunod naman na pyrotechnics ay pwedeng gamitin kahit sa labas ng firecracker zones:
- Butterfly
- Fountain
- jumbo regular special luces
- mabuhay
- roman candle
- sparklers
- trompillo
- whistle devices
Nagpaalala ang pulisya sa publiko na huwag bumili ng mga ipinagbabawal na paputok upang makaiwas sa disgrasya.
Payo pa ng FEO, dapat humingi ng resibo upang may patunay na nabili ang mga paputok sa isang partikular na tindahan.