Mas mahal na sigarilyo magpapababa sa bilang ng kabataang gumagamit nito

Umaasa ang grupong Health Justice na sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng kada isang stick ng sigarilyo sa P20 ay mababawasan ang bilang ng mga kabataang gumagamit nito.

Sa isang panayam, sinabi ni Health Justice project manager Ralph Degollacion na lumabas sa kanilang pag-aaral na marami sa mga kabataang naninigarilyo ang nagsabi na mapipilitan silang tumigil sa naturang bisyo kung magtataas ang presyo ng sigarilyo.

Ngunit ani Degollacion, dahil sa maraming mga kabataan ang nakakahanap ng ibang pagkukuhanan ng pera gaya ng mga sideline ay mas tumataas ang kanilang purchasing power.

Malaki rin aniya ang kontribusyon ng pating-tinging pagbebenta ng sigarilyo sa mga sari-sari store kaya naman madaling makabili ang mga kabataan ng sigarilyo.

Kaya naman iminungkahi ni Southeast Asia Tobacco Control Alliance executive director Ulysses Dorotheo ang pagkakaroon ng batas na magbabawal sa pagbebenta ng tinging sigarilyo.

Ani Dorotheo sa ibang mga Asyanong bansa gaya ng Hong Kong, Malaysia, Singapore, Cambodia, Brunei, Thailand, at Vietnam, ipinagbabawal na ang pa-isa-isang pagbebenta ng sigarilyo. Katunayan aniya, tanging Pilipinas at Indonesia na lamang ang nagbebenta ng tingi.

Ayon naman sa datos ng Global Youth Tobacco Survey (GYTS), tumaas ng 3.1% na ang bilang ng mga kabataang edad 13 hanggang 15 na naninigarilyo mula sa 2011 hanggang 2015.

Read more...