Nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa magaganap na turnover ceremony ng makasaysayang Balangiga Bells sa St. Lawrence Parish sa Eastern Samar.
Nauna nang sinabi ng Palasyo ng Malacañang na hindi dadalo si Duterte dahil sa mga bagay na kailangan nitong trabahuin bilang presidente ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nagbago ang pasya ni Duterte dahil sa dumadagsang hiling ng mga mamamayan ng Eastern Samar na personal nitong dalhin ang mga kampana sa bayan ng Balangiga.
Ani Panelo, ipinag-utos na ng punong ehekutibo ang pagbabago sa kanyang iskedyul upang makiisa sa pagbabalik sa mga kampana.
Iginiit naman ng Palasyo na bagaman ikinukonsidera ng presidente na mahalaga ang kanyang presensya sa turnover ceremony ay mas nais umano ni Duterte na bigyang halaga ang pagbabalik ng Balangiga Bells na simbolo ng katapangan at pagiging makabayan ng mga sinaunang Filipino.
“While the President considers his physical presence at the ceremonial turnover an added attraction to the event, he gives more importance to the fact that after 117 years, the Balangiga bells, which symbolize the bravery and patriotism of the Filipinos who refused to be subjugated by a foreign power and shed blood to assert the sovereignty of our country, have been returned to their origins where they properly belong. The bells are now indeed home,” ani Panelo.
Dagdag pa ng Malacañang, ang inaasahang muling pagtunog ng Balangiga Bells ay magbibigay ng mensahe sa mundo na anumang pwersang panlabas ay walang lugar sa soberanya ng bansa.