Ikinadismaya ng Diocese of San Pablo ang pagkakalagay kay Bishop-Emeritus Leo M. Drona sa listahan ng umano’y may planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang nasabing listahan ay ipinost ni dating Vice Mayor Paolo Duterte sa Facebook at kinumpirma na ng Department of National Defense (DND) bilang isang ‘fake news’.
Sa isang pahayag, iginiit ng diyosesis na noon pang 2013 ay nagbitiw na sa pwesto si Bishop Drona dahil sa karamdaman.
Sa ngayon anila ay mahina na ito, may malabong mga mata at nagmimisa na lamang nang naka-wheelchair.
Hinikayat ng Diocese of San Pablo ang lahat na laging ibatay sa katotohanan, katarungan at respeto ang mga ibinabahagi sa social media.
Sa isang panayam, sinabi ng kasalukuyang obispo ng San Pablo na si Bishop Buenaventura Famadico na masyado nang matanda at may sakit si Drona para idawit pa sa anumang destabilization plot.
Binura na ni Paolo Duterte ang listahan ng umano’y nagpaplanong mapatalsik ang kanyang ama matapos umani ng batikos.
Kasama sa kanyang listahan si Bishop Julio Labayen na pumanaw na bago pa man maihalal si Pangulong Rodrigo Duterte at ang isang Bishop Arturo Santos na wala naman sa listahan ng mga obispo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.