Target ng hakbang ng LTFRB ang mga isnaberong taxi driver lalo na iyong mga nasa mall na namimili ng mga pasahero.
Sa ilalim ng nationwide Oplan Isnabero ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), huhulihin at pagmumultahin ang mga mapiling taxi.
Naka-stand by ang mga tauhan ng LTFRB sa mga mall at ibang pasyalan ngayong Pasko para manita ng mga driver na ayaw magsakay ng pasahero.
Iginiit ng ahensya na kailangang sumunod ang taxi drivers sa mandato na magsakay ng pasahero lalo na ngayong Christmas rush.
Ang impormasyon ukol sa isnaberong taxi driver ay ikukumpara sa database ng LTFRB para masuri ang prangkisa ng taxi.
Ngayong December 11, may nahuli nang taxi driver na naka-tsinelas lang habang nasa biyahe.
May ilang taxi drivers naman na nagsabing dapat may kunsiderasyon din ang pasahero lalo na raw kung valid naman ang dahilan kaya ayaw magsakay.
Mungkahi naman ng ilang pasahero, ipatupad din ang Oplan Isnabero sa mga terminal ng mga pampublikong sasakyan kung saan marami ang nangongontratang mga taxi.