Sa botong 224 na YES, 22 na NO at 3 abstain, lumusot ang Resolution of Both Houses 15 na naglalayong palitan ang kasalukuyang 1987 Constitution.
Sa ilalim ng saligang batas 3/4 ang kailangan para mapalitan ang saligang batas o 220 na miyembro ng Kamara ang pumabor.
Sa ilalim nito, magiging apat na taon na ang isang termino ng mga halal na opisyal kabilang ang kongresista, senador, pangalawang pangulo at presidente.
Ang pangulo ay maaring muling iboto sa ikalawang termino habang aalisin naman ang term-limit ng iba pang opisyal.
Nakasaad din dito na kailangang college graduate ang mga tatakbo sa pagka-kongresita, senador, bise presidente at pagka-pangulo.
Ang running mate naman ng mananalong pangulo ang awtomatikong magiging bise presidente.
Gagawin din sa ilalim ng bagong saligang batas na two-party system na lamang sa bansa.
Sa ilalim din ng inaprubahang draft Constitution mananatili ang presidential form ng pamahalaan.
Gayunman, ang Kongreso ang magpapasya sa pagbuo ng Federal States.
Ang Mababang Kapulungan ay bubuuin ng hindi bababa sa 300 na mga kinatawan.
Nakasaad din dito na mananatiling ihahalal ng mga botante sa buong bansa ang mga senador katulad ng sa partylist.
Inalis naman sa inaprubahang panukala ang pagbabawal sa political dynasty.
Sa ilalim din nito, gagawing dalawa na lamang ang political party.