DOJ, humirit sa korte na gawing state witness ang dating aide ni Kerwin Espinosa

Inquirer file photo

Humirit ang Department of Justice (DOJ) kay Manila Regional Trial Court judge Merianthe Pacita Zuraek na payagan silang gawing state witness ang dating aide ng self-confessed na drug trader na si Kerwin Espinosa.

Aminado ang mga state prosecutor ng DOJ na wala silang direct evidence para iugnay si Espinosa sa mga kasong isinampa nito sa korte maliban sa testimonya ng dati nitong aide na si Marcelo Adorco.

Una nang ipinaalam ni Adorco sa gobyerno ang kahandaan nito na tumestigo laban sa kanyang dating amo at maging isang state witness.

Si Adorco ay kasama ni Espinosa na kinasuhan ng DOJ sa Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay ng conspiracy to commit illegal drug trading sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bukod kina Espinosa at Adorco, respondent din sa hiwalay na kaso sa Makati at Manila RTC sina convicted drug lord Peter Co at Ruel Malidangan na parehong nananatiling ‘at large’ pati ang sinasabing drug supplier na si Lovely Impal.

Read more...