Sinimulan na ng Department of Justice ang pagtatalaga ng mga piskal sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA na hahawak ng mga kaso ng tanim-bala.
Ayon kay DOJ Undersecretary at Spokesman Emmanuel Caparas, noon pang November 5 nang magtalaga sila ng piskal sa NAIA.
Isang piskal aniya kada araw ang nakatalaga sa NAIA na hahawak sa lahat ng mga kaso mula Terminal 1 hanggang Terminal 4.
Sinabi ni Caparas na lahat ng mahuhulihan ng bala sa paliparan ay sasailalim pa rin sa inquest proceedings.
Subalit kung mukhang inosente ang nahulihan ng bala batay sa sirkumstansya ng insidente, maaaring magpasya ang piskal na palayain pansamantala ang respondent pero isasailalim ito sa full-blown preliminary investigation.
Ibig sabihin, kung idedeklara na released for further investigation ang respondent, maaari siyang makahabol sa kanyang biyahe dahil kailangang madaliin ang pagpapalabas ng resolusyon.
Sa ganitong pagkakataon, kailangang ipaalam sa respondent na dapat siyang dumalo sa preliminary investigation, pero desisyon pa rin ng respondent kung siya ay lalahok sa pagsisiyasat, dahil ang kaso ay maaari namang desisyunan kahit walang partisipasyon ang respondent sa mga pagdinig sa piskalya.
Posible rin namang magpasya ang piskal na ibasura agad ang reklamo.