Kasunod ng paglobo ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga pulis, pinag-iisipan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbuo ng mga dagdag na People’s Law Enforcement Boards (PLEBs) na tatanggap ng mga reklamo laban sa mga pasaway at tiwaling mga lagad ng batas.
Kahapon nang inilunsad ng ahensya ang PLEB Online Database System na magsasaayos ng status-tracking ng mga reklamo ng publiko.
Ayon kay DILG Undersecretary for Peace and Order Bernardo Florece, Jr. ngayong taon, sa 1,649 munisipalidad sa bansa, 85% o 1,403 na ang mayroong PLEBs.
Aniya, target ng kagawaran, alinsunod sa utos ni Interior Secretary Eduardo Año, na magkaroon ng PLEBs ang buong bansa sa 2019.
Paliwanag pa ni Florece, ang mga munisipalidad na wala pang PLEB ay iyong mga mayroong problema sa pulitika o hindi magkasundo kung sinong miyembro ng Sangguniang Panglungsod o Bayan ang mamumuno dito.
Isa namang magandang improvement ang pagkakaroon ng mas mababang police complaints ngayong taon.
Kung ikukumpara kasi noong 2017 kung saan 455 na mga reklamo laban sa mga pulis ang natanggap ng PLEBs, ngayong 2018 ay bumaba ito sa 381.