Itinanggi ni dating First Gentleman Mike Arroyo ang kumakalat na liham mula umano sa kanyang asawa na si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo kung saan nagpatawag ito ng bicameral conference committee meeting upang talakayin ang pagbibigay ng prangkisa sa isang electric company sa Iloilo.
Sa pamamagitan ng kanyang personal Facebook account, iginiit ni Arroyo na peke ang naturang liham.
Dagdag pa nito, ang nakalakip na lagda sa liham ay hindi ang lagda ni GMA.
Babala ni Arroyo sa gumawa at nagpakalat ng liham, mananagot ito sa batas.
Nakasaad sa liham mula umano sa House Speaker na may petsang December 4, na inutusan nito si House Committee on Legislative Franchises chairman, Representative Franz Alvarez na dumalo sa bicameral conference committee kasama ang Senate Committee on Public Services na pangungunahan ni Senadora Grace Poe na nakatakda noong December 5.
Pag-uusapan umano sa naturang pulong ang tungkol sa ‘disagreeing votes’ tungkol sa House Bill No. 8302 o ang pagbibigay ng prangkisa sa MORE Electric and Power Corporation sa Iloilo.
Inatasan rin si Alvarez na makipagkita muna kay GMA sa kanyang opisina bago maganap ang pulong.
Samantala, batay sa record ng Senado, nagtakda si Poe ng pulong upang talakayin ang posibleng pagbibigay ng prangkisa sa MORE Electric and Power Corporation, ngunit ito ay sa pagitan lamang ng mga miyembro ng Senate panel na sina Senador Chiz Escudero, Migs Zubiri, at Bam Aquino.