Panukalang magpapataw ng excise tax sa mga plastic bags sa mall dinidinig na sa Kamara

Sinimulan na ngayon sa Kamara ang pagdinig para sa panukala na patawan ng excise tax ang mga plastic bags na ginagamit sa mga supermarkets, malls, shops, sales outlets, at iba pang kahalintulad na establisyimento.

Base sa House Bill 8523 o Plastic Bag Tax Act na inihain ni Sultan Kudarat Representative Horacio Suansing, papatawan ng P10 excise tax ang bawat plastic bag na gagamitin o paglalagyan ng mga pinamiling produkto mula sa mga nabanggit na establisyimento at pamilihan.

Ipapataw ang nasabing excise tax sa plastic bags sa mga establisyimento na may gross receipts na lagpas sa P100,000 o mga bagong tayong negosyo na may capital na hindi bababa sa P100,000.

Gayunman, exempted sa P10 dagdag na excise tax ang ilang produkto o pagkain na ang ‘original packaging’ ay plastic katulad ng isda, karne, poultry products, gulay, prutas, confectionery, dairy products, yelo, at mga lutong pagkain.

Paliwanag ng may akda ng panukala, makakatulong ang dagdag na excise tax sa mga plastic bags para maiwasan ang paggamit nito na lubhang nakakasira sa kapaligiran at kalusugan ng mga tao.

Ang kita na makokolekta dito ay gagamitin para sa pagpopondo sa mga programa at proyekto ng pamahalaan lalo na sa mga programa sa paglaban sa epekto ng paggamit ng plastic.

Read more...