Mga obispo pumalag sa mga patutsada ni Duterte

INQUIRER File Photo

Bumuwelta ang ilan sa mga obispo sa mga bagong birada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Simbahang Katolika, sa mga pinuno at kaparian nito.

Sa kanyang talumpati sa Malacañang, nanawagan ang pangulo na patayin na lang ang anya’y walang silbi na mga obispo at inihayag din na 90 porsyento ng mga pari ay bakla.

Tinawag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga pahayag ni Duterte na ‘iresponsable’ lalo’t hindi naman anya kaya itong patunayan ng pangulo.

Giit ni Pabillo, hindi maitatama ng mga akusasyon ng pangulo sa kaparian ang kanyang sariling mga kasalanan.

Para naman kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na minsan nang naging sentro ng pambabatikos ni Duterte, dapat mahalin ang kaaway tulad ng sinasabi sa ebanghelyo ni San Lucas.

Ani David, tulad ng Panginoong Hesus, ganito ang gagawin ng Simbahang Katolika na patuloy na nalalampasan ang mga pang-uusig sa 2,000 taong kasaysayan nito.

Naaalarma naman si Sorsogon Bishop Arturo Bastes sa mga pahayag ng pangulo na hindi na dapat anya iginiit na biro lamang.

Tinawag din ni Bastes na ‘megalomaniac’ o uhaw sa kapangyarihan ang presidente.

Iginiit naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos na itinatama ng Simbahang Katolika ang kanyang mga alagad sakaling magkamali ito.

Ani Santos, pinoprotektahan ng Simbahan ang kanyang kawan at itinataguyod ang kapakanan at kinabukasan nito.

Read more...