Balik-kulungan ang isang lalaking tricycle driver matapos mahulihan ng baril at droga sa Himlayan Street na sakop ng Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon sa mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga residente na nanutok umano ng baril ang tricycle driver.
Bineripika ng mga otoridad ang impormasyon at nang kapkapan ay doon nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng mga bala at anim na gramo ng hinihinalang shabu.
Nabatid na dati nang nakulong noong 2013 ang tricycle driver dahil pa rin sa kasong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
Todo-tanggi naman ang suspek sa mga paratang.
Aniya, nag-aabang lamang siya ng pasahero nang lapitan ng mga pulis at pinilit na magpunta sa Himlayan Street.
Iginiit pa nito na hindi sa kanya ang baril o ang droga.
Ngunit ayon sa mga otoridad, holdupper din umano ang suspek.
Mahaharap ito sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.